ILANG eskwelahan ang bumalik pansamantala sa distance o online learning dahil sa matinding init na nararanasan sa bansa.
Sa Batangas, 106 sa 107 pampublikong paaralan sa elemntarya at high school ang nagsimula nang magpatupad ng blended learning simula nitong Abril 24, ayon sa Department of Education Division of City Schools sa Batangas.
May 66 naman ang nagpatupad ng modify scheme kung saan sisimulan ang klase ng alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Sa Iloilo, may 839 paaralan din ang bumalik sa modular at distance learning.
Maging sa lalawigan ng Pangasinan ay nagpatupad na rin ng distance learning hanggang Abril 29 para maiiwas ang mga mag-aaral sa matinding init.
Una nang nagbabala ang weather bureau na makararanas ng matinding init ang bansa. Nitong Lunes, naitala ang highest heat index sa Dagupan City, Pangasinan sa 43 degrees Celsius.
Ibinabala rin nito na mas matinding init pa ang mararanasan sa Mayo kung saan inaasahan ang 55 degrees Celsius na heat index.