MAGBIBIGAY ng P500,000 na insentibo ang lungsod ng Maynila sa pole vaulter na si EJ Obiena.
Nasungkit ni Obiena ang ika-apat na pwesto sa pole vault finals ng 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Manila City Mayor Honey Lacuna, kailangang kilalanin ang talento ni Obiena na tubong Tondo.
“Siyempre naman po ay hindi natin makakalimutan ang ating best pole vaulter in Southeast Asia, walang iba kundi ang sariling atin mula sa Tondo, Ernest John “EJ” Obiena!” ani Lacuna.
Mensahe niya kay Obiena: “Hindi mapagkakaila ang inyong angking galing sa iyong larangan. Kung kaya’t sa iyong pagbalik sa lungsod ay aming taos pusong ihahandog ang 500,000 pesos reward para sa iyong pagsisikap upang dalhin ang bandila ng Pilipinas sa buong mundo.”
Dagdag ng alkalde, saludo ang Maynila kay Obiena.
“Maraming salamat sa pagmamahal na iyong ibinibigay sa bansa. Mabuhay ka, EJ!” sambit niya.