Holdaper naawa sa biktima, ibinalik cellphone, cash

SA kulungan pa rin ang bagsak ng 39-anyos na lalaki kahit pa ibinalik niya ang cellphone at wallet na ninakaw niya sa isang babaeng estudyante sa Cebu City nitong Huwebes.

Dinakip ng mga pulis ang suspek na si Eduardo Nillas Jr. makaraan nilang makita ang biktima na umiiyak sa Junquera st., Brgy. San Antonio alas-3 ng umaga.

Ayon na biktima, naglalakad siya pauwi ng bahay nang bigla siyang harangin ni Nillas at sapilitang kinuha ang kanyang bag na may laman na cellphone at wallet.

Nanlaban ang biktima pero natumba siya at nasugatan ang tuhod.

Sinabi naman ni Nillas na patakas na siya nang marinig na umiiyak ang biktima. Sa awa ay binalikan niya ito at isinoli ang cellphone na nagkakahalaga ng P10,000 at wallet na may laman na P4,000 cash.

Naispatan ng mga nagpapatrolyang pulis ang biktima kaya agad nila itong nilapitan.

Inilahad ng dalaga ang nangyari na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Nahaharap sa reklamong theft ang suspek.