DAPAT pang pag-ibayuhin ang mga programa ng pamahalaan na siyang tututok upang mas mapa-igting ang kakayahan ng mga Pilipino na siyang magbibigay sa kanila ng mas malawak ng oportunidad sa trabaho.
Ito ang hirit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa isinagawang briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) para sa panukalang 2024 budget, na nagsusulong ng P9.18 bilyon panukalang budget para sa programang makakatulong para madagdagan ang trabaho sa bansa.
Kabilang sa mga programang ito ay ang Government Internship Program, Special Program for Students, Jobstart Philippines, Supporting Innovation in the Philippine Technical and Vocational Education and Training System, Special Training for Employment Program, Training for Work Scholarship Program at Tulong Trabaho Scholarship Program.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), may malaking mismatch o hindi tugma ang skills ng mga school graduates sa mga oportunidad sa trabaho sa fast-evolving sectors na nauugnay sa digital technology at green economy.
Binigyang-diin din ng NEDA na kailangang matiyak ang employability ng mga manggagawa, lalo na ang pagbuo ng oportunidad para sa de-kalidad na mga trabaho.
“This is exactly why we need a reskilling and upskilling revolution to have a competitive and resilient workforce for the 4th Industrial Revolution so that our people will have a better shot at sustainable and quality employment,” ani Villanueva.
Ang upskilling ay pagdagdag o pagtaas na kasanayan o kahusayan ng isang manggagawa habang ang reskilling ay may kinalaman sa muling pagsasanay ng isang manggagawa sa bagong larangan.
“We want to know the specific training or courses in the programs, the number of beneficiaries and the extent to which these programs will help achieve the target 4.4% to 4.7% unemployment rate in 2024,” dagdag pa ng senador.
Ayon pa kay Villanueva, ang pabago-bagong unemployment rate ay naaapektuhan ng notorious seasonal jobs.
“Our unemployment rate is usually low during peak seasons like the Christmas season, then unemployment increases after. This is evident in the agriculture and tourism sectors,” ani Villanueva.
Sabi pa ng Majority Leader, bumaba ang unemployment rate sa 4.3 percent noong Disyembre 2022 mula sa dating 5.3 percent noong Agosto ng taon ding iyon.
Base sa 2022 International Monetary Fund data, ang unemployment rate sa Thailand ay 1%, 2.1% sa Singapore, 2.4% sa Vietnam at 3.6% naman sa Malaysia.
“Compared to our ASEAN counterparts, we are lagging behind when it comes to employability and creating quality jobs which is why we need to implement a National Employment Masterplan to identify the needs of the labor sector,” ani Villanueva.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2035 o Trabaho para sa Bayan Act na inihain ni Villanueva, layunin na magbuo ng komprehensibong employment masterplan kung saan pagsisikapan ng gobyerno na tugunan ang employment challenges ng bansa sa pagbuo ng kalidad na trabaho at mga oportunidad para sa lahat, gayundin ang isyu ng job-skills mismatch.
Ipinasa na ang panukala sa ikatlong pagbasa sa Senado noong Mayo 2023.