INILIPAT sa Valenzuela City mula sa Tarlac Regional Trial Court Brach 109 sa Capas ang kasong graft laban sa dinismis na mayor na Bamban na si Alice Guo.
Ito ang inanunsyo Biyernes ni Senador Francis Tolentino kaugnay sa naging desisyon ng RTC Branch 109 matapos kanselahin nito ang nakatakda sanang arraignment at pre-trial ni Guo ngayong Biyernes ng hapon.
“Ang huling balita ko, ita-transfer na nila itong kaso sa tamang RTC at hawak-hawak ko ngayon ang isang transmittal letter nung criminal case ni Alice Guo na naglalaman na papunta na po ang dokumento lahat nung kaso sa Regional Trial Court of Valenzuela,” ayon kay Tolentino.
Ira-raffle naman sa Valenzuela RTC ang kaso.
Kinumpirma naman ng Clerk of Court sa Valenzuela na natanggap na nito ang kaso ni Guo at ira-raffle ito sa Sept. 19.
Sa huling hearing sa Senado, iginiit ni Tolentino na dapat anyang ilipat ang kasong graft na isinampa sa Tarlac dahil meron pang impluwensiya umano si Guo rito.
“Sang-ayon po kasi sa Republic Act 10660, ang isang opisyal, lalo na ang mayor at salary grade 27 and above, hindi pwedeng sampahan ng kaso doon kong saan judicial region siya nago-opisina. So, ang Tarlac Region 3, hindi siya pwedeng sampahan doon dahil meron pa siyang impluwensya,” paliwanag ng senador.