INIREKLAMO ni Victor Puyat, anak ni dating Sen. Gil Puyat, ang advertising agency na ginawang “Gil Tulog Avenue” ang Gil Puyat Avenue sa Makati bilang bahagi ng isang marketing campaign.
Sa reklamo sa Ad Standards Council, nais ni Victor Puyat na suspendihin o tanggalin ang ad agency sa konseho.
“This is a total disrespect to my father, Sen. Gil J. Puyat and to our family. The marketing campaign does not conform with Ad Standards Council’s Code of Ethics,” aniya sa liham sa Ad Standards Council.
Matatandaang nagulat ang publiko nang makita sa social media ang mga larawan na pinapalitan ng “Gil Tulog” ang mga street sign na Gil Puyat nitong mga nakaraang araw.
Ang pagpapalit ay marketing gimmick ng isang health supplements company at ng partner nito na advertising agency.
Sinabi ni Victor Puyat na hindi sila napagsabihan ng ad agency kaya nagulat sila nang makita ang viral photos.
“It is foolish and insulting at the same time, but most of all I felt bad people can now do anything in total disrespect for somebody who has served the country so well,” paliwanag niya.
Umapela rin siya sa pamahalaan na gamitin ang Gil Puyat Avenue imbes na dati nitong pangalan na Buendia.
Pahayag niya na noon pang 1982 napalitan ang pangalan ng kalsada pero Buendia pa rin ang tawag dito ng mga tao.
“Gil Puyat until now is still being called Buendia. Please let’s get MMDA to do the right thing,” giit niya.
Humingi na ng paumanhin sa pamilya Puyat ang Wellspring, ang kumpanya na nasa likod ng ad.
“We recognize and deeply regret the insensitivity of our execution and we offer our sincerest apologies to the Puyat family, the Makati City government, and the public. We have learned from this mistake and are committed to doing better,” ayon dito.