NAIHATID na sa kanyang huling hantungan si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.
Inihatid ang abo ni Aquino ng kanyang pamilya, kamag-anak, mga dating opisyal ng gobyerno at ng iba pang malalapit na kaibigan at mga tagasuporta.
Pasado alas-2 ng hapon nang maipasok sa libingan ang urn na naglalaman ng abo ng dating pangulo. Inihimlay ang dating pangulo katabi ang kanyang mga magulang na sina dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino at dating Pangulong Cory Aquino.
Binigyan si Aquino ng state funeral honors bilang ika-15 pangulo ng bansa. Kasama sa pagpupugay ay ang 21 gun salute.
Bago pa ang libing, alas-10 ng umaga nang isagawa ang funeral mass na pinangunahan ng kanyang paboritong arsobispo, si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, na hindi napigilang mapaluha habang nagbibigay ng kanyang sermon.
Ginanap ang funeral mass sa Church of the Gesu sa Ateneo De Manila University na dinaluhan din di lang nga mga kamag-anak at kaibigan kundi mga tagasuporta kabilang ng mag-asawang celebrity na sina Ogie Alcasid at misis nitong si Regene Velasquez at Erik Santos. Naroroon din si Noel Cabangon na sinimulan ang funeral mass sa pamamagitan ng kanyang pagkanta ng “Kanlungan”.
Idinaan ang convoy sa C5 patungong SLEX, hanggang makarating sa Manila Memorial Park.