Actress Barbara Milano nagluluksa sa pagpanaw ng ex-boyfriend na si Noynoy

KAHIT matagal na silang hiwalay ay matinding kalungkutan pa rin ang nadarama ng aktres na si Barbara Milano sa pagpanaw ng dating kasintahan na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.


Sa isang mahabang post sa Facebook, nagpasalamat din si Milano sa magandang pakikitungo sa kanya ng dating presidente.


Aniya, marespeto at low profile si Aquino, na parang hindi anak ni dating Pangulong Corazon Aquino.


“Maraming Salamat sayo, sa binigay mo noon tulong at respeto. Sinu ba naman ako noon? Hindi naman tayo magka estado sa buhay? Sinu ba naman ako noon na napaka ordinary ko tao? Sinu ba naman ako noon? Hindi naman ako mayaman? Ikaw ang tao nakilala ko na napaka low-profile mo talaga.


Ikaw yung tao nakilala ko na napakasimple tao. Ikaw para ka hindi ka anak ng dati presidente. Ikaw na kapag aalis ka isa lang bodyguard mo. Na minsan ikaw pa driver,” ani Milano.


Idinagdag ng aktres na maaalalahanin ang dating pangulo.


“Ikaw na kahit dis oras ng gabi, magpadala ka ng pagkain sa tomas morato sa house ko,” aniya.


Inalala rin ni Milano ang mga kwentuhan nila ng dating boyfriend ukol sa politika.
“Ikaw yung inuumaga about politics ang usapan natin. Ikaw yung tao na iniisip ang mga constituents keysa sarili mo,” dagdag niya.


Hindi rin umano niya makakalimutan ang pagiging simple ni Aquino.


“Minsan sinita kita sa suot mo, di ba suot mo nung isang araw yan? Sabi mo favorite mo suotin polo lacoste na yun.

Napakasimple mo talaga! Maraming salamat sayo,” sabi pa ng aktres.


Naging magkasintahan sina Milano at Aquino noong 2000 pero naghiwalay noong sumunod na taon.