IPINAGDIINAN ni First Lady Liza Araneta Marcos na hindi niya gagamitan ng kapangyarihan ang mga taong pilit na ibinabagsak siya at ang asawang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam ni Anthony Taberna sa programa nitong “Tune In Kay Tunying,” sinabi ni Liza na “concerted effort” ang walang-tigil na pag-atake sa kanyang pamilya sa social media.
Gayunman, sinabi niya na hindi niya ipasasara ang socmed accounts ng mga nasa likod nito dahil hindi ito makatutulong sa bansa.
“Ito na lang ha. If you’re the President of the Philippines and I am the Fierce Lady, Fierce ha, sa palagay mo hindi ko kayang gawin ’yan? But it has to stop. This cannot be. Hindi ganun ’yung Pinoy,” ayon sa First Lady. “Let them do their thing. Sa palagay mo ba hindi namin kaya gawin ’yan? You’re the President of the country,” dagdag niya.
Klinaro naman niya na hindi siya napipikon sa mga batikos na natatanggap dahil ayaw niyang pumangit. “I don’t get pikon in the sense that it’s really stupid what they’re doing. Kumbaga sa level, they’re not even sophisticated, ‘di ba?” punto niya.
Dagdag niya na tuwing sinisiraan siya ng mga kritiko ay lalo lang pumapangit ang ito at ayaw niyang matulad sa kanila.
“Bring it on honey. You’re the size of your enemy, you’re not my enemy… I would never stoop to that level,” sabi ng Unang Ginang.
“I’ll never stoop, however everytime they say that they become uglier and uglier. Okay, just look at their face, di ba? Tayo, cute pa rin tayo. What a life! Bring it on. There’s such a thing as karma,” dagdag niya.
Inihayag niya na naiinis lang siya kapag ang mga anak na ang kinakanti.
“Like for example when president Duterte said oh si Sandro Marcos gusto maging prime minister,” sambit ni Gng. Marcos.
Wala rin siyang balak kasuhan ang mga naninira sa kanilang pamilya kahit pa isa siyang abogado.
“You know I’m a lawyer, right? Filing charges is my life. Kung ‘yan lang e ‘wag naman. Sayang naman ‘yung panahon ko, filing cases lang,” pahayag ng Unang Ginang.