DISMAYADO ang neophyte Senator Robin Padilla sa kagustuhan ng mga Pilipino sa wikang Ingles, maging sa mga dokumento ng gobyerno.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit niya isinusulong ang pagpasa ng kanyang panukalang batas na magbibigay ng pantay na paggamit ng wikang Filipino at Ingles sa lahat ng inilabas at dokumento ng gobyerno.
“Sa karanasan ko po, hindi nagagamit ‘yung Filipino, laging English lang. Katulad sa batas natin ‘pag lumalabas ang batas natin, English. ‘Pag sa korte, ‘pag nasentensyahan ang tao, English ang binabasa,” ayon sa senador.
Aniya, hindi patas ang madalas na paggamit ng wikang Ingles para sa mga Pilipino.
“Parang sa akin unfair ‘yun. Parang hindi patas para dun sa mga kababayan natin na ‘di ko naman sinasabing hindi nakakaintindi ng English ano kundi masyado kasing ‘yung may kinalaman sa batas, ‘yung mga English niyan masyadong hindi mo talaga din maitindihan. Kailangan na talagang magkaroon ng parehas na pagtrato sa salitang Pilipino at English.”
“Huwag dapat matakot ang kababayan nating mag-request. Kasi siyempre minsan nasanay tayo, masyado tayong Inglisero, masyado tayong ‘Amboy’. Dapat masanay tayong Filipino na hingin ‘yan. Hingin ‘nyo,” dagdag pa niya.