Escudero: Hindi namin trabaho i-convict, i-acquit si Sara Duterte

NANINIWALA si Senate President Francis “Chiz” Escudero na ngayong nasimula na ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte, dapat itong tapusin.

Gayunman, sinabi ni Escudero na hindi dapat madaliin ang proseso sa pag-impeach kay Duterte matapos itong i-impeach ng Kamara noong Miyerkules matapos isumite ang Articles of Impeachment na pirmado ng 215 kongresista sa Senado.

“Marapat na ngayon na nasimulan ito ay ito ay matapos, matapos nang hindi minamadali,” ayon kay Escudero sa ginanap na prayer event ng Jesus Is Lord ngayong Sabado.

“Hindi namin trabaho i-convict siya (si Duterte). Hindi namin trabaho i-acquit siya. Trabaho namin tiyakin na magagawaran siya ng hustisya. Trabaho namin na tiyakin na magiging credible at kapani-paniwala at paniniwalaan ng sambayanan ang proseso,” paliwanag ni Escudero.

Nauna nang sinabi ni Escudero na walang impeachment trial na magaganap habang naka-recess ang Kongreso.

Babalik ang sesyon sa Hunyo 2.

Tiniyak din ni Escudero na gagawin ng Senado ang trabaho nito nang walang pulitiko.

“Wala kaming pakialam, sa totoo lang, sa mga nag-uusig o dumedepensa o anumang pananaw nila na may kinalaman sa pulitika,” paliwanag nito.