HINIMOK ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ang International Criminal Court (ICC) na sagutin muna ang isyu ng jurisdiction bago pa nito dinggin ang mga akusasyong ibinabato sa dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kanyang war on drugs.
Ito ang naging reaksyon ni Tulfo sa naging desisyon ng ICC na ibasura ang apela ng Pilipinas na itigil ang imbestigasyon hinggil sa “war on drugs” na ipinatupad noong nakaraang administrasyon.
Sa “MACHRA’s Balitaan” na ginanap sa Century Seafood Restaurant sa Maynila, sinabi ni Tulfo na halatang target lamang ng imbestigasyon ang dating pangulo at si Senador Ronald Dela Rosa.
Giit ni Tulfo na ang pagpilit ng ICC na imbestigahan ang dating lider ay isang panghihimasok sa mga affairs ng bansa at insulto rin sa pamahalaan ng Pilipinas, lalo pa’t kumalas na rin ito bilang miyembro sa nasabing international body.
“Personally, kung wala na tayo, bakit pa tayo panghihimasukan? We are not a member anymore… parang pangi-insulto naman na wala silang tiwala sa ating justice system eh meron naman, gumagana naman,” ayon kay Tulfo.
Bukod dito, ang mga nasangkot sa pagpatay ay naaresto at nakasuhan na habang maraming iba pa ang iniimbestigahan, dagdag pa ng kongresista.
“Mabuti sana kung wala… halatang-halata na ang target ng ICC ay sina dating Pangulong Duterte at Senator Bato,” dagdag pa ng dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hirit pa ni Tulfo dapat munang ayusin ng ICC ang isyu ng hurisdiksyon dahil hindi na nga miyembro ang Pilipinas ng nasabing grupo.
“Sagutin muna nila kasi wala na tayo sa kanila, may karapatan pa ba sila? Hindi pa nila sinagot ‘yung jurisdiction. Ang iniimbestigahan lang naman eh member eh umalis na tayo, hindi na tayo member. ‘Yun ang punto ng apela ‘wag nyo na kami imbistigahan kasi di na kami member. Kaso binasura nila tuloy-tuloy pa…Bakit ang ibang bansang di member di nila pinapakialaman. Sagutin muna nila ‘yun,” giit pa nito.