ITINALAGA ni President-elect Bongbong Marcos si dating Senate President Juan Ponce Enrile bilang kanyang presidential legal adviser habang ginawa namang Solicitor General ang kasalukuyang Justice Secretary na si Menardo Guevarra.
Ayon kay Trixie Cruz-Angeles, ang itinalagang Press Secretary ni Marcos, tinanggap na ni Enrile ang appointment kasabay ang pagbibigay nito ng commitment sa papasok na administrasyon na tulungan itong magtagumpay.
“I will devote my time and knowledge for the republic and for BBM because I want him to succeed,” ayon umano kay Enrile, sabi ni Angeles.
Samantala, uupo namang Solicitor General ang outgoing Justice Secretary na si Guevarra, at tinanggap na rin umano ito ng kalihim.
Napili si Guevarra dahil umano sa kanyang “sterling performance as a lawyer for over 30 years,” ayon pa kay Angeles.
Kasabay nito, itinalaga rin bagong Defense Chief ng papasok na administrasyon si dating Armed Forces Chief of Staff General Jose Faustino Jr.
Gayunman, Officer-in-charge muna ang kanyang papapelan dahil sa one-year ban sa appointment sa mga retiradong military officers sa ilalim ng Republic Act 6975.