Embahada ng China dinumog ng protesta ng Filipinos Do Not Yield Movement

ILANG grupo ng mga protester ang nagtungo sa Embahada ng China sa Makati para tutulan ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa pag-angkin nito sa Palawan.

Nagtipon ang mga protester mula sa iba’t ibang grupo na siyang bumubuo ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement sa harap ng embahada upang iparating ang mensahe nang pagkondena sa patuloy na pambu-bully ng China.

Pinangunahan ni Dr. Jose Antonio “Ka Pep: Goitia, first nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list ang protesta na naglalayon na iparating din sa publiko ang masidhing kampanya ng grupo para maproteksyunan ang soberenya ng bansa at labanan ang agresibong pagpapalawak ng teritoryo ng China sa West Philippine Sea.

“Dapat nang wakasan ang kalokohang ito. Hindi namin papayagan na agawin ang aming mga teritoryo at mga karapatan sa loob ng ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at maging sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong Hulyo 12, 2016 na walang basehan ang “historical rights na iginigiit ng Tsina,” pahayag ni Goitia.

Hinikayat din ni Goitia ang publiko na panahon na upang tumindig at magkaisa ang mga Piipino dahil ito ay usapin ng teritoryo ng Pilipinas.

“Ito at lantarang pagyurak at pag-alipusta sa ating mga Pilipino. Ang pagbaluktot sa katotohanan ay hindi makatuwiran,” dagdag pa ni Goitia.

Sa hiwalay na panayam kay Goitia, na Chairman Emeritus ng koalisyon ng iba’t ibang grupo na kinabibilangan ng Peoples Alliance for Democracy and Reform (PADER), the Alliance of Filipino Kabalikat sa Demokrasya (ABKD) at Liga ng Independencia ng Pilipinas ( LIPI ) at ( KAMPIL ) Kalipunan ng Masang Pilipinoay, na magtutuluy-tuloy ang gagawin nilang pagkilos para tutulan ang pambu-bully ng China. (Marisa Son)