NADAKIP na ang lalaking bumaril at nakapatay umano sa driver sa Edsa-Ayala tunnel sa Makati City nitong Martes.
Kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek na si Gerrard Raymund Yu, 34, na naaresto noong araw ding iyon.
Positibo si Yu sa paraffin test.
Narekober sa bahay ng suspek sa Pasig ang Taurus Caliber 14 na umano’y ginamit sa pamamaril.
Pinalitan umano ni Yu ang plate number ng sasakyan, isang itim na Mercedes Benz, pero nakuha rin ang orihinal na plaka sa loob ng kotse.
Ayon kay NCRPO Chief Major Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., road rage ang motibo sa pagpatay.
Matatandaan na pauwi na ang driver ng puting Toyota Innova, sakay na babaeng pasahero at isang menor de edad, nang pagbabarilin siya ng suspek.
“Actually, family driver ‘yung nasawi na victim. Magkasama sila tapos sinundo nila ‘yung anak ng kanilang amo doon sa eskwelahan dito sa Taguig City. Then along the way nung pauwi na sila, from Kalayaan flyover, heading towards Edsa southbound doon palang sa baba meron nang gitgitan ng sasakyan between the suspect’s vehicle and vehicle ng biktima,” ani Col. Jessie Tamayao, Deputy District Director for Administration ng Southern Police District.
Base sa salaysay ng pasaherong babae, hindi nakipagsagutan ang biktima sa suspek. Wala rin umanong bumaba sa kotse.
Napag-alaman na stay-in driver ang biktima sa pinagtatrabahuang negosyante.
Limang buwan pa lang namamasukan bilang family driver ang biktima na taga-Tarlac.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek.