Driver sa road rage viral video: ‘Nagkapatawaran na kami’

MATAPOS mag-viral ang road rage video, lumutang sa pulisya ang driver ng pulang kotse na nakitang nambatok ng siklista at tinutukan pa ng baril, at sinabing nagkaayos na sila ng kanyang biktima.

Sa isang press conference Linggo ng hapon, sinabi ni Wilfredo Gonzales na nagkaayos na sila ng siklista at sila ay nagkapatawaran na. Pumirma rin anya sila sa isang kasunduan matapos ang insidente na naganap noong Agosto 8 malapit sa Welcome Rotonda sa boundary ng Maynila at Quezon City.

“Pagkatapos ng komprontasyon na nakita sa viral video, ako at ang ang siklista ay pumunta kami sa police station kung saan kami nagkausap, nagkapatawaran, at nagkasundong kalimutan ang nangyari,” pahayag ni Gonzales sa press conference na ginanap sa Quezon City Police District headquarters.

Matatandaan sa nag-viral na video na nakita ang driver ng pulang seda na kinompronta ang siklista na nakabundol ng kanyang sasakyan. Binatukan ang siklista at saka kinasahan ng baril.

Sa Facebook post ng abogadong si Raymond Fortun, ibinahagi niya ang larawan ng insidente, at sinabi na ang lalaki ay “appears to be a government employee, in light of a lapel pin.”

Giit ni Gonzales, boluntaryo siyang sumuko sa pulisya noong Agosto 8. Tumanggi naman siyang umamin kung siya ay isang empleyado ng gobyerno.

Sa isa pang post ni Fortun: “In a nutshell, siya na ‘yung binatukan at tinutukan ng baril, pinagbayad pa sya ng ₱500.”

“Further, the person who uploaded the video has now also been threatened. ‘Baka pati ikaw makasuhan,” dagdag pa nito.