HINDI pinalampas ng street food sensation na si Diwata ang negative review ng showbiz insider na si Ogie Diaz sa kanyang pares overload.
Ayon kay Ogie, nagpunta ang kanyang mga kaibigan sa food stall ni Diwata sa Pasay pero hindi swak sa kanilang panlasa ang mga ino-offer doon na pagkain.
“Ang sabi ng friend ko, parang hindi daw kasundo ng kanyang panlasa,” anj Ogie. “Ako kasi hindi ko pa natitikman…pero siguro maganda din na sinasabi natin ito para at least aware si Diwata na pasarapin pa lalo ang kanyang pares lalo na’t bonggang- bongga na siya. Ang daming vloggers ang nandoon halos araw-araw yata e yalagang kino-content siya.”
“Sana hindi ito hype lang at magtuloy-tuloy ang negosyo. At the end of the day, masarap pa ring makakita ng mga kapatid natin sa LGBTQ na nagiging matagumpay at hindi nagbibisyo-bisyo,” dagdag niya.
Talak naman ang sagot ni Diwata sa “constructive criticism” ni Ogie.
Sunod-sunod niyang hanash:
“Wala akong pakialam sa kanila. Tulad ng sinasabi ko, kung hindi niyo gusto ang pagkain ko, mag-scroll, pumunta sa ibang nagtitinda. Marami naman kami dito na nagtitinda ‘di ba?
“‘Yung sinasabi nilang hindi pasok sa panlasa, e di maghanap ka ng pasok sa panlasa…hindi masarap, e di doon ka kumain sa masarap. Huwag n’yo nang pahabain. Ganun lang kasimple, napaka-basic.
“Kasi hindi ko naman siya pinipilit sa inyo kung ayaw n’yo. Nagtitinda lang naman ako doon para lang sa may gusto.
“Ano ang motibo? Bakit mag-hysterical pa sa social media pa ‘di ba? Hindi pala pasok sa panlasa mo e ‘di huwag ka nang bumalik, huwag ka nang umulit.
“Ako, expert ako lumaban sa totoo lang. Healthy competition ako lumaban. Ayaw ko ‘yung sisiraan pa ‘yung kabila para dumami ang customer ko. Hindi tayo ganun. Gusto ko parehas at tsaka customer pa rin ang magdedesisyon kung saan sila gusto kumain. ‘Yun lang.”