PINALAYA na ang direktor na si Jade Castro at ang mga kasamahan niya nitong Lunes, makaraang ma-detain nang mahigit isang buwan sa Quezon dahil sa umano’y pagsunog sa pampasaherong jeepney.
Pinakawalan ang grupo makaraang katigan ng Catanauan Regional Trial Court Branch 96 ang kanilang motion to quash.
Ayon kay Michael Marpuri, isa sa mga abogado ni Castro, alas-8 ng gabi nakalabas ng BJMP facility sa Catanauan ang grupo ni Castro.
Sinabi ni Marpuri na pinagbigyan ni Judge Julius Francis Galvez ang kanilang mosyon dahil “mali ‘yung pagkakaaresto sa kanila.”
“The information was quashed on the ground of lack of jurisdiction of the court on the persons of the accused due to the invalidity of their arrest. Technically, case is dismissed but without prejudice as to refiling,” paliwanag ng abogado sa isang panayam.
Matatandaang inaresto si Castro at mga kasamahang sina Ernesto Orcine, Noel Mariano at Dominic Ramos sa bayan ng Mulanay matapos mapagbintangang sumunog ng isang modern jeepney sa Catanauan noong January 31. Sinampahan sila ng kasong destructive arson.