POSIBLENG maharap sa kasong kriminal si dating Pangulong Duterte matapos nitong pagbantaan ang kritiko ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte, na si ACT Teachers partylist Rep. France Castro.
Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, dapat alam na umano ng dating pangulo na wala na siyang immunity mula sa mga kasong maaaring isampa laban sa kanya ngayon na hindi na siya ang pangulo.
“Threatening the lives of elected representatives is a blatant violation and a dangerous attack on the rights of individuals who are merely pushing for transparency and accountability in government spending,” pahayag ni Brosas.
Sinabi ni Brosas na pinag-aaralan na nila ang posibleng legal action na kanilang gagawin laban sa 78-anyos na si Duterte.
Kasong direct at grave threats ang tinitingnang kasong isasampa sa dating pangulo na nagsalita nitong Martes sa program ng kanyang adviser na si Apollo Quibolog sa SMNI television netwrok na may pagbabanta umano sa buhay ni Castro.
Ito ay matapos talakayin ng dating pangulo ang confidential funds ng kanyang anak na si Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Ayon sa nakatatandang Duterte, sinabihan niya anya ang anak na maging pranka sa kung saan gagamitin ang pondo.
“Sabi ko kay Inday (Sara Duterte), diretsuhin mo na. Itong intelligence funds na ito is to prepare the minds of the Filipinos itong insurgency na hindi matapos-tapos and the ROTC (Reserve Officers’ Training Corps), para preparado tayo kung magka-giyera,” ani Duterte.
“Pero, ang una mong target sa intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” dagdag pa nito.
Si Castro ang nanguna sa pagkuwestyon sa kontrobersyal na pondo ng OVP at DepEd.