DENR sa taga-village, condo: Magtipid sa tubig

PINAYUHAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga nangangasiwa ng mga village at condominium sa Metro Manila na huwag mag-aksaya ng tubig sa gitna ng nararanasang El Niño.


Gayunman, inihayag ng DENR na may sapat pang suplay ng tubig para sa NCR na nanggagaling sa Angat Dam at iba pang pinagkukunan ng tubig.


“Conduct regular checks of water meters of residents during periods of no activity (i.e. early morning or late night) to detect any possible leaks as indicated when meters are still running,” payo ng kagawaran sa mga nangangasiwa ng mga village, subdivision at condominium.


Nakiusap din ang DENR sa mga ito na ipagpaliban muna ang pagmimintena sa mga swimming pool, lalo na doon sa nangangailangan ng pagtatapon at pagpapalit ng tubig.


“Cleaning of common areas, roads and sidewalks should only be done when necessary,” dagdag nito.
Sakaling may ulan, iminungkahi ng DENR sa mga nangangasiwa na ipunin ang tubig para gamitin sa paglilinis.


“Prohibit residents from washing their cars, driveways and watering their lawns using a garden hose. Instead use a pail and dipper (tabo) to do these activities,” wika nito.


Nitong Miyerkules, nasa 198.15 metro ang water level ng Angat Dam, mas mababa nang konti sa 198.44 metro noong Martes.


Ayon sa Pagasa weather bureau, asahan ang tuloy-tuloy na pagbaba ng water level hanggang sa katapusan ng buwan o hanggang Mayo.


“Pumasok na talaga ‘yung summer, kung meron mang pag-ulan hindi na masyadong significant para makadagdag sa level ng Angat,” paliwanag ni hydrologist Edgar Dela Cruz.


Aniya, nasa .25 hanggang .30 metro ang nababawas sa dam kada araw kaya maaaring umabot ang water level nito sa pagitan ng 191.4 to 190.05 metro sa katapusan ng buwan.


At dahil wala pang inaasahang pag-ulan sa Mayo, bababa ang water level sa 183.65 hanggang 180.75, ang minimum operating level ng dam.


Kapag nangyari ito, asahan nang magbababa ng water pressure o kung hindi naman ay ipaiiral ang water interruption.