MARIING itinanggi ni PNP Chief Chief General Rodolfo Azurin Jr. na merong cover-up na nangyari sa pagkaaresto at pagpapalaya sa dating pulis na si Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. kaugnay sa P6.7 bilyon drug bust noong isang taon.
Sa isang press conference, inamin ni Azurin na alam niya at aprubado niya ang tactical plan na gamitin si Mayo para makilala at madakip ang mga mas malalaking “isda” na sangkot sa ilegal na droga.
Iginiit din niya na wala silang plano na pakawalan lang at hindi kasuhan si Mayo hinggil sa pagkakakumpiska sa nasabing ilegal na droga.
“I think hindi ho dapat pakawalan ang term doon because during that day, ongoing ang operation. That is a follow-up operation, so ipinagpaalam ni Domingo sa akin yan pero never in my career na may nahuli na nagco-compromise ako,” paliwanag ni Azurin.
Ginawa ni Azurin ang pagpapaliwanag isang linggo matapos ibunyag ni Interior Secretary Benhur Abalos ang ilang pulis na sangkot sa nasabing kontrobersya.