UMAPELA ang content creator na si Jeff Jacinto, mas kilala bilang Ileiad, sa aktor na si Mon Confiado na iurong na reklamong cyber libel na inihain nito laban sa kanya.
Sa email sa Rappler, sinabi ni Jacinto na nag-message siya kay Confiado para humingi ng paumanhin at nakiusap na huwag nang ituloy ang kaso para mahinto na ang mga natatanggap niyang pangha-harass at death threats mula sa netizens.
Matatandaang nagsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation si Confiado laban kay Jacinto kaugnay sa “prank post” ng huli na pinalalabas na bastos at nagtangkang magnakaw ng aktor sa isang grocery store.
Bago ito, ipinaliwanag ni Jacinto kay Confiado na ang content ng kanyang Facebook account ay mga “memes and humorous comments about pop culture.”
Ibinasura naman ng aktor ang katwiran ni Jacinto.
“Ang problema kahit ito ay isang joke o ‘meme’ lamang, hindi pamilyar ang lahat ng tao dito at ito ay ipinost mo sa ‘Facebook.’ At alam mo naman ang mga tao ay napakadaling maniwala sa mga ganyang posts,” ani Confiado.
Lalo pang nagalit ang aktor at nagdesisyong tuluyan si Jacinto nang balewalain ng huli ang pakiusap niyang burahin ang nasabing post.
“He messaged me, asking me to take it down, but to my mistake, I didn’t and instead explained that it was a copypaste, and that it wasn’t my intention to ruin him,” ani Jacinto sa email sa Rappler.
“Not foreseeing the repercussions, I wish I could have just taken it down the moment I saw him [Confiado] in the comments,” sabi niya.