UMAPELA si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson kay two-time Olympic gold medalist Carlos Yul na ipakitang maganda itong huwaran sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pakikipag-ayos sa mga magulang.
“Nakikiusap ako kay Caloy. Nakikita niya ngayon na champion siya, naka-gold. Pakita niya na siya ang role model of a family. Hindi maganda yong pinapakita niya kung hindi siya makipag-ayos sa pamilya,” ani Singson sa isang panayam.
Dugtong niya, bibigyan niya si Yulo ng P5 milyon sa kondisyon na kasama niyang tatanggap ang mga magulang nito na sina Angelica at Mark Andrew.
“Magdadagdag ako ng pera sa premyo niya, limang milyon. Pero dapat, ang pamilya niya ang kasama niya kasi, siya ang role model, e,” sambit ni Singson.
“Nakikiusap ako kay Caloy. Pamilya mo muna. Yung sa nakuha mong gold, ang ibibigay kong limang milyon, dagdag lang, sa pamilya n’yo. Sa iyo na yon, e. Pero, gusto kong magbati ang pamilya,” hirit pa niya.
Umaasa naman si Singson na magbabati rin si Carlos at kanyang ina.
“Ngayong sikat siya, ‘wag siyang magbago. Dapat siya ang role model at number one ang pamilya. Kung anuman ang nangyari sa kanila, tapusin niya. Sa Sampung Utos ng Diyos, respect your father and mother. Sa sampung utos ng Diyos, yun lang ang bilin niya,” giit niya.
“Kaya nakikiusap ako, kausapin mo ang pamilya mo. ‘Wag mo nang pahirapan sila dahil ang gold na nakuha mo, hindi lang para sa ‘yo kung hindi para sa lahat, especially your family. Wala kang pinanggalingan kung hindi sa family mo. Kung ano man ang nangyari, patawarin mo na sila. Bilin din ng Diyos ‘yan,” sabi pa ni Singson.
Sa kasalukuyan, wika niya, ay hindi pa niya nakokontak ang kampo ng Pinoy gymnast.