UMAKYAT sa P200,000 ang ibinigay na reward ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcers na sumita sa paggamit niya ng Edsa Busway.
Personal na bumisita si Singson sa tanggapan ng MMDA sa Pasig City para ibigay ang reward.
“Nakita ninyo ‘yung sinabi ko sa nag-interview na magbibigay ako ng P100,000 na papremyo sa mga nanghuli. Dahil ilang araw na nangyari, gagawin kong P200,000 ang ibibigay ko,” aniya.
Inihayag ng politiko na nabayaran na niya ang violation ticket na inisyu sa kanyang mga driver.
“This prize was properly received by the accounting and made with receipt. This cash prize could also be used as a support and improvement to the system of MMDA,” dagdag niya.
Matatandaan na sinita ang convoy ni Singson nang makita na dumaan ang mga ito sa Edsa Busway sa Cubao noong Abril 8.
Sakay noon ang dating gobernador ng kanyang lead vehicle.