MARIING itinanggi ng isang opisyal ng Malacanang na walang ibig sabihin ang lumulutang na larawan nina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos kasama ang mga Chinese investors na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ayon kay Special Envoy of the President to the People’s Republic of China for Trade, Investment and Tourism Benito Techico, malisyoso ang ginawang pagpapalabas ng abogadong si Ferdinand Topacio sa larawan ng mag-asawa dahil sa nais nitong idawit ang first couple sa isyu ng POGO.
Ayon kay Techico, kuha ang larawan noong 2020 nang magtagpo ang mag-asawa at grupo ng mga Chinese sa isang kainan, at nag-request ng souvenir shot.
Sa naunang pahayag, sinabi ni Topacio na kabilang sa nasabing larawan ay ang kliyente niyang si Katherine Cassandra Li Ong, na ngayon ay iniimbestigahan dahil sa pagkakadawit sa ni-raid na POGO sa Porac, Pampanga noong Hunyo.
“Ginawan ng kuwento. Hindi kilala ni presidente lahat ‘yung mga nagre-request na magpapakuha ng larawan sa kanya,” paliwanag ni Techico.
Dagdag pa nito, gaya ng marami na nagre-reques ng group photo sa pangulo, pinagbigyan din nito si Ong para sa souvenir photo.
“It is normal when as friends we go out, people recognize the president and ask for a souvenir photo as people do with celebrities and public officials,” anya pa.