Byahe ng LRT-1 extended ng 30 minuto simula Marso 26

EXTENDED na rin ang operasyon ng Light Rail Transit 1 (LRT-1) mula Lunes hanggang Biyernes, na magsisimula sa Marso 26.

Ang huling tren ay aalis sa Dr. Santos station sa Parañaque ng alas-10:30 ng gabi habang alas-10:45 naman ng gabi aalis ang huling tren sa Fernando Poe Jr. station sa Quezon City, ayon sa abiso ng LRT-1.

Nitong Lunes, sinimula ng MRT 3 ang extended operating hours.

Mula Lunes hanggang Biyernes, aalis naman ang unang tren sa Dr. Santos at FPJ stations ng alas-4:30 ng madaling araw, at alas-5 naman tuwing weekend at holiday.

Matatandaan na una nang umapela si Transportation Secretary Vince Dizon sa pamunuan ng MRT at LRT na ikonsidera ang pagpapalawig ng operasyon upang makatugon sa pangangailangan ng mga commuter.