NANINIWALA ni dating senador Antonio Trillanes IV na mas giginhawa ang buhay ng mga Pilipino kung wala nang Duterte sa politika.
“Hopefully for the better kung mawala na ‘yang mga Duterte sa politika ng Pilipinas nako giginhawa po ang buhay ng mga Pilipino,” ani Trillanes sa isang panayam.
“Itong Marcos administration for the remaining three years puwede na siya mag-legacy mode wala na siyang distraction,” dagdag niya.
Matatandaan na isiniwalat ni Trillanes na ilalabas na ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa madugong war on drugs ng administrasyon nito.
“The warrant will be released late second quarter, so we can say middle of the year, maybe June or July, that will actually happen. So it is a waiting game at this point,” ani Trillanes.
Sa susunod na “batch” naman ilalabas ang warrant of arrest laban kina Vice President Sara Duterte, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Bong Go na iniuugnay rin sa marahas na kampanya kontra-droga.
Samantala, nagbabala si Trillanes na nanganganib maging “rogue state” ang Pilipinas kapag tumanggi ang administrasyong Marcos na makipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol) sakaling ipatupad nito ang arrest warrant ng ICC laban kay Duterte.
Aniya, inaasahan na ibibigay ng ICC ang warrant sa Interpol na siyang maglalabas naman ng “red notice” sa Philippine National Police (PNP).
Ang red notice ay kahilingan sa lahat ng mga alagad ng batas sa buong mundo para hanapin at arestuhin ang isang indibidwal na nahaharap sa extradition, isuko, o bigyan ng kaukulang legal na aksyon.
Sinabi ni Trillanes na may cooperation agreement ang Pilipinas sa Interpol at nagamit ito sa pag-aresto kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na nagtago sa Timor-Leste.
“Obligado tayong gawin `yun, otherwise magiging rogue state tayo,” ani Trillanes sa interview ng One PH. “Magkakaproblema tayo sa international community.”