IDINEKLARA ng Borongan City ang outbreak ng Hand, Foot and Mouth Disease dahil sa pagsirit ng bilang ng mga pasyenteng nahawa ng virus na isinugod sa iba’t ibang pagamutan.
Nitong Biyernes, nag-isyu na ang City Health Officer na si Dr. Daisy Sacmar ng memorandum na nagdedeklara ng outbreak matapos makapagtala ng 123 kaso ng FHMD simula noong Enero.
Karamihan sa mga tinamaan ng sakit ay mula sa barangay Balud, Bugas, Campesao, Canjaway, Santa Fe at Tabunanan.
Dahil dito, pinaalalahanan ang mga residente na panatiliin ang pagsunod sa minimum public health standard at iba pang paraan para makaiwas sa pagkalat ng impeksyon.
Naipapasa ang sakit sa pamamagitan ng mga discharge ng ilong at lalamunan ng infected nito sa ibang tao.
Kadalasan ang mga batang meron nito ay nakararanas ng lagnat, sore throat, mga butlig-butlig o rashes na nagtutubig-tubig sa dila, gums, pisngi, kamay, talampakan at puwitan.