KUNG isa ka sa mga nakapanood ng video kung saan nakuhanan ang motorcycle rider na nagta-transport ng bata habang nasa kanyang delivery box, pinarusahan na ito ngayon ng Land Transportation Office.
Iniutos ng LTO ang 90-day suspension sa lisensiya ng rider matapos isagawa ang inisyal na imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na video.
Inatasan din ng LTO and rider na magsumite ng written explanation kung bakit hindi siya dapat sampahan ng kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 10666 (Children’s Safety on Motorcycles Act) at Section A, Title 1 of Joint Administrative Order 2014-01, isang probisyon na nakalatag hinggil sa pagmamaneho ng may inappropriate driver’s license classification.
Maaaring suspendihin o i-revoke ang lisensiya ng driver sa sandaling mapatunayan na “improper person to operate a motor vehicle” ang rider na nakunan ng video.
Nag-trending ang video na inupload noong Pebrero 24 ni Jeric Cruz, kung saan nakita ang kamay ng bata habang iniaangat nito ang takip ng delivery box habang nasa biyahe ang motor.
Pinakiusapan ng rider si Cruz na i-delete ang video.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ng rider na anak niya ito, at kailangan lang na makauwi sila, ngunit inaantok umano ang bata kaya inilagay niya ito sa likurang kahon ng kanyang sasakyan.