Barya-barya lang: P0.20 – P0.50 rollback sa diesel, gasolina at gaas

MATAPOS ang halos tatlong buwan na sunod-sunod na taos-presyo sa gasolina, sa wakas, may konting pahinga ang mga Pinoy ngayong linggo.

‘Yun nga lang karampot na 20 hanggang 50 sentimo lamang ang inaasahang pagbaba sa presyo ng diesel at gasolina na magsisimula sa Martes, Setyembre 26.

Nag-anunsyo na ang Petro Gazz, Shell at Seaoil ng 20 sentimo sa diesel at gasolina habang 50 sentimo naman ang ibababa sa presyo ng kerosene at gaas, simula alas-6 ng umaga.

Ang anunsyo ng rollback ang kauna-unahan matapos ang 11 linggo na sunod-sunod na oil price hike, pinakahuli ay noong isang linggo kung saan umabot sa P2 dagdag presyo sa kada litro ng gasolina at gaas at P2.50 naman sa kada litro ng diesel.

Bunsod nito, umabot na sa P17.50 ang kabuuang oil price hike sa kada litro ng gasolina simula noong Enero habang P13.60 naman sa kada litro ng diesel at P9.94 sa kada litro ng gaas.