POSIBLENG maharap sa kasong perjury ang kontrobersyal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa sandaling mapatunayan na nagkunwari itong Filipino citizen nang tumakbo itong alkalde noong 2022 elections.
Sa isinagawang pagdinig sa Senado nitong Lunes, sinabi ni Comelec Chair George Garcia psoible anyang makasuhan ng perjury si Guo kung mapatunayan na nagsumite ito ng mga pekeng dokumento, partikular na kung ito ay may kinalaman sa kanyang citizenship, para makatakbo sa halalan.
“If it is proven by the court that she is not really a Filipino citizen, then she can be liable or be charged with perjury,” pahayag ni Garcia.
Sa ilalim ng batas, isa sa mga rekititos para makatakbo sa halalan ay ang may Filipino citizenship sa panahon ng filing. Ang mga kandidato sa local position ay maaring natural-born Filipino o foreign national na naging naturalized Filipino citizens.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado noong isang linggo, kinuwestyon ni Senador Risa Hontiveros ang citizenship ni Guo.
Ayon sa senador, walang official record si Guo ng kanyang pagka-Filipino, at tinanong kung Chinese citizen nga ba ito. Wala anya itong birth at school records at bigla na lamang lumitaw at nanalo noong 2022 elections.
Posible anyang Chinese asset ang mayor na sinanay para maimpluwensiyahan ang gobyerno ng Pilipinas.
Isinagawa ang pagdinig hinggil sa isinagawang raid noong Marso 13 sa isang compound sa Bamban, Tarlac kung saan isinasagawa ang operasyon ng Philippine offshore gaming operator (Pogo).