POSIBLENG pumasok ang kauna-unahang bagyo sa bansa sa Miyerkules, sakaling tuluyang mabuo ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PAGASA weather specialist Benison Estareja na mamayang hatinggabi inaasahang papasok sa PAR ang LPA na nasa silangan ng PAR.
Ayon kay Estareja, sa susunod na dalawang araw, inaasahan din ang mga pag-ulan sa Eastern at Eastern Visayas, Caraga region at Bicol Region.
“Kapag lumalapit itong LPA, by Wednesday, possibly affected na rin yung Calabarzon, Metro Manila, and part of Central Luzon, maaring magpatuloy po yan hanggang sa Friday,” aniya.
Sinabi ni Estareja na kahit na hindi umabot ng bagyo, magiging maulan pa rin sa Southern Luzon at Visayas.