BUMABABA na ang lebel ng tubig sa Angat Dam at pito pang dam sa Luzon bunsod ng El Niño phenomenon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa abiso ng Pagasa, nasa 209.10 meters na ang lebel ng tubig ng Angat Dam, bumaba ng 0.21 meters mula sa naitala noong Sabado.
Mataas pa rin ito sa minimum operating level na 180 meters, pero mas mababa na ito sa 212 meters na normal high water level.
Samantala, nasa 77.70 meters ang lebel ng tubig ng La Mesa Dam, mas mababa sa 80.15 meters na normal high water level nito. Nagsibababaan din ang lebel ng tubig sa mga dam ng San Roque, Pantabangan, Caliraya, Ambuklao, at Binga.
Asahang lalo pang kokonti ang mga tubig sa mga nasabing dam dahil sa pagtindi ng nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.
Una nang inanunsyo ng Pagasa na papalo sa 65 ang bilang ng mga probinsya sa bansa na makararanas ng tagtuyot sa Mayo.