DUMATING sa bansa and dinismis na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo ala-1:30 ng madaling araw ngayong Biyernes.
Sakay ng private aircraft, lumapag ito sa Royal Star Aviation Hangar sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City, kasama sina Interior Secretary Benhur Abalos, Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco at National Police Chief Gen. Rommel Marbil.
“The return of Alice Guo is a significant achievement for the Philippine justice system and highlights the effective collaboration between international counterparts and law enforcement agencies. This operation demonstrates our unwavering commitment to ensuring that justice prevails, no matter the boundaries,” ayon kay Tansingco.
Inaresto si Guo sa isang apartment sa Tangerang City sa Jakarta Miyerkules ng umaga.
“Guo remains under the legal custody of the BI while physical custody shall remain with the PNP,” ayon pa kay Tansingco.
Isasailalim sa medical checkup at saka inquest si Guo.
Sa press briefing matapos ang kanilang pagdating, sinabi ni Abalos na dali-dali silang umalis ng bansa nitong Miyerkules baka kasi umano pakawalan ito ng Indonesian police.
“Bandang tanghali, nakatanggap ako ng tawag na binibigyan tayo ng hanggang 1 a.m. ng Indonesia authorities kung hindi ito aalis pa Pilipinas, baka pakawalan nila si Alice Guo. Agad tayong naghanap ng eroplano, kung hindi hindi tayo aabot sa flight, may kaibigan ako na nagpahiram ng eroplano kasi hahabulin natin ung ala una.,” paliwanag ni Abalos.
Dumating si Abalos at Marbil sa Indonesia umaga ng Huwebes para harapin ang Indonesian authorities para mai-turn over si Guo sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Abalos na may death threat diumano ang alkalde.
“Nag request si Alice na kausapin kaming dalawa. Sinabi niya na meron siyang death threats. Inassure ko siya, kami ni chief (PNP), na huwag niyang alalahanin ‘yung death threats. Sabihin niya lahat nang totoo. Lahat, huwag siyang matakot, maski sino pang malalaking tao ito at siya ay babantayan ng kapulisyahan,” dagdag pa nito.
Kinumpirma ni Guo ang sinabi ni Abalos.
“Humingi po ako ng tulong sa kanila at masaya po ako na matutulungan nila ako. I feel safe,” anya.
Dumating si Guo sa PNP Custodial Center alas 3:06 ng madaling araw at saka isinailalim sa medical examination at booking procedures.
Tiniyak naman ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na walang special treatment na ibibigay kay Guo.
Hindi anya ito pinagmit ng cellphone, airpods at iba pang gadget.
Mananatili sa PNP Custodial Center si Guo hanggang walang inilalabas na order ang korte.