HINDI dapat dedmahin ng pamahalaan ang rebelasyon ng isang “discarded Chinese spy” na nakakulong ngayon sa Thailand na nagsasabing involved ang dinismis na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa Chinese espionage operations sa Pilipinas.
“It is… a serious indication that the security apparatus of our government should take a serious look at it,” ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez sa panayam nito sa dzBB.
Lumutang ang pahayag ni She Zhijiang, ang nakakulong na Chinese tycoon sa Thailand, sa isang documentary na inilabas ng Al Jazeera, sa isinagawang hearing ng Quad Committee noong Biyernes.
Anya meron siyang dossier na naghahayag ng pagkakaroon ng Chinese spy sa Pilipinas at kabilang doon si “Guo Hua Ping”.
Sinabi ni Vasquez na bagamat wala pa silang natatanggap na pormal na impormasyon hinggil dito, isa anya itong national security concern na dapat pagtuunan ng pansin.
“We cannot dismiss the possibility of that due to the mysterious questions and issues surrounding the character of former Mayor Alice Guo,” ani Vasquez.
Itinalaga na anya nila ang imbestigasyon sa National Bureau of Investigation at makipagtulungan sa nga ahensiya na may kinalaman sa national security.