TINULIGSA ni Baliwag City Mayor Ferdie Estrella ang Kapuso teleserye na “Abot Kamay Na Pangarap” dahil sa panghihiya at pang-iinsulto umano nito sa mga may karamdaman sa pag-iisip gamit ang pangalan ng siyudad.
Sa isang eksena na ipinalabas nitong February 14, binitawan ng isang karakter sa teleserye ang mga linya na, “Naku mukhang lumuluwag na turnilyo nito” at “Papunta na ‘to sa Baliwag, Bulacan.”
Nagtawanan ang mga karakter matapos ang dayalogo.
Sa kalatas, kinondena ni Estrella ang “iresponsableng pagsusulat at pagpapalabas” ng teleserye dahil ginawa nitong katatawanan ang kalagayan ng isang baliw at idinamay pa ang kanilang lugar.
“Ang Lungsod ng Baliwag ay isa sa mga nagtataguyod ng adbokasiya sa mental health kaya hindi rin kami sumasang-ayon sa pagpapalabas ng nakakasirang tema lalo pa at ikinakabit ang Baliwag bilang punchline o bagong katawagan para makapangpahiya ng sinuman,” aniya bago tinawag na kapos sa kaalaman at sensibilidad sa isyu ng mental health ang mga nasa likod ng programa.
Ipinaliwanag pa ng alkalde na ang pangalang Baliwag ay hindi nagmula sa salitang baliw kundi sa matandang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay malalim.
“Kung ating dadalumatin, maaaring ang lungsod ay pinangalanang Baliwag dahil ito ay kinakitaan ng katangian na pagiging malalim: una, rito ay dumadaloy ang malalim na ilog, at pangalawa ay maaaring ang mga taal na nakatira rito ay malalim kung mag-isip,” aniya.
Kaya ang payo niya sa mga writer ng programa, bago gamitin ang pangalan ng lugar ay isaalang-alang ang kasaysayan nito.
Paalala pa ni Estrella: “Nawa ay hindi na ito maulit, at magsilbing-aral at makalikha ng kamalayan para sa mga susunod pa na palabas at iba pang pagtatanghal.”