IKINASA ng iba’t ibang transport group ang isang linggong strike na magsisimula sa Marso 6 laban sa nakatakdang phaseout ng traditional jeepney.
Ito ang kauna-unahang malakihang tigil-pasada na ikinasa ng mga jeepney drivers simula nang payagan ng pamahalaan ang muli nilang pagbiyahe matapos ang pananalasa ng coronavirus disease pandemic halos tatlong taon na ang nakakaraan.
Ayon kay Mar Valbuena, national president ng grupong Manibela, tinatayang 40,000 traditional jeepney at UV express ang sasali sa strike para masiguro na hindi makakapasok sa trabaho ang mga empleyado.
Gagawin ang mga stirke sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at iba pang mga rehiyon.
Umapela rin si Valbuena sa publiko na unawain ang kanilang kalagayan kung kayat gagawin nila ang protesta.
Una na ring umapela grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), Manibela at National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag ipatupad ang June 30 deadline para tuluyang huwag nang makapasada ang mga tradisyunal na jeep dahil magbubunga ito ng kawalan ng trabaho sa maraming driver at operator.
Hinikayat naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang mga transport groups na kausapin muna ang mga ahensiyang may kinalaman sa kanilang hinaing bago magsagawa ng protesta.