AABOT sa 51 probinsya ang makararanas ng epekto ng El Niño phenomenon simula sa katapusan ng Pebrero.
Ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary for Radio at El Niño Task Force spokesman Joey Villarama, sa kasalukuyan ay nasa “strong and mature El Niño” level na ang bansa.
Dagdag niya na mula sa inisyal na 41 ay madagdagan pa ng hanggang 10 ang bilang ng mga probinsya na makararanas ng tagtuyot habang paparating ang tag-init.
Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), papalo sa hanggang 36.5 degrees ang temperatura sa Metro Manila habang sa iba pang bahagi ng Northern Luzon ay tataas ito ng hanggang 40 degrees.
“By the end of February ay inaasahan pong tataas pa po itong mga probinsiya na naaapektuhan ng El Niño, siguro by at least 10,” pahayag ni Villarama.
Mararamdaman ang epekto ng El Niño hanggang sa Mayo o Hulyo, wika pa ng opisyal.
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang task force na bantayan ang lagay suplay ng pagkain, tubig, kuryente, at kalusugan ng mga Pilipino sa panahon ng matinding tag-init.
“In terms of what is being monitored, iyon pong direktika ng ating Pangulo, ang atin pong food security, ang water supply, power supply, health at saka kung magkakaroon ng pagtaas sa mga presyo,” ani Villarama.