4 pupil ‘nilamon’ ng septic tank; 1 nasawi

PATAY ang Grade 5 pupil habang sugatan ang tatlong kaklase nang mahulog sa septic tank ng kanilang paaralan sa Alfonso, Cavite nitong Lunes, iniulat ng pulisya.

Naganap ang insidente alas-12:40 ng tanghali habang kumakain ng tanghalian ang apat na magkakaklaseng babae sa bench na nasa ibabaw ng septic tank sa Sinaliw Malaki Elementary School.

Ayon sa ulat, bumigay ang sementong takip ng septic tank at nahulog sa hukay ang mga bata.

Agad namang naiahon at nadala sa pagamutan ang mga bata pero idineklarang dead on arrival ang isa sa kanila.

Nagtamo ng minor injuries ang kanyang mga kaklase.

Ayon kay Maj. Raymond Balbuena, hepe ng Alfonso Police, hindi na ginagamit ang septic na may lalim na pitong talampakan.