INIHAYAG ng Maynilad Water Services, Inc. ngayong Huwebes na tuloy na ang apat na araw na water interruption sa maraming lugar sa Metro Manila at Cavite na magsisimula bukas, Oktubre 29 hanggang Lunes, Nobyembre 1, 2021.
Ayon sa Maynilad, ipinagpaliban nito ang water interruption na orihinal na itinakda mula Oktubre 25 hanggang 28 matapos ang kahilingan mula sa mga apektadong residente.
“Dumagsa ang requests na natanggap namin mula sa aming mga customer na iurong ang nasabing aktibidad para magkaroon ng mas mahabang oras na makapaghanda,” sabi ng Maynilad.
Kabilang sa tatlong milyong residente na apektado ng ilang oras na no water supply ang Maynila, Las Pinas, Paranaque, Makati, Pasay City, Bacoor City, Cavite City, Imus City, Kawit, Novaleta at Rosario Cavite,
“Ito ay kasabay na rin ng Undas kung kailan karaniwang umuuwi sa probinsya ang mga tao, kaya naman inaasahan na mas kaunti ang mga customer namin na mamamalagi sa kani-kanilang mga bahay. Dahil dito, inaasahan na maibsan ang impact ng service interruption na ito,” dagdag ng Maynilad.