35-anyos Pinoy sa Canada wagi ng P3.19B sa lotto

ISANG 35-anyos na Pilipinong migrante sa Canada ang tumama ng 80 milyong Canadian dollars o humigit-kumulang P3.19 bilyon sa Lotto Max — ang pinakamalaking premyo sa kasaysayan ng British Columbia at pinakamalaking solong jackpot na napanalunan sa buong Canada, ayon sa British Columbia Lottery Corporation (BCLC).

“I’m an immigrant. I came from a poor country…With this amount of money, I will be able to spend more time with my daughter, with my wife, with my family…,” ayon kay Justin Simporios sa BCLC media conference, kung saan iniabot sa kanya ang symbolic check ng napanalunang jackpot prize.

Base sa report ng Inquirer, sinabi ni Simporios, na residente ng Surrey sa British Columbia, balak nilang mag-donate sa mga charitable organization bilang pasasalamat.

Matagal nang naninirahan si Simporios sa Surrey, kung saan doon na rin siya nakahanap ng trabaho.

Si Simporios ang nag-iisang nanalo sa Lotto Max draw noong Mayo 9, 2025 matapos makuha ang winning numbers na 06-10-16-17-30-38-48.

Ayon sa ulat, karaniwang hindi pinapatawan ng buwis ang papremyo sa lottery sa Canada.