DINAKIP ng dalawa sa anim na tauhan ng Caloocan City Police at isang sibilyan na ireklamo ng carnaping at robbery ng umano’y drug suspect sa Quezon City.
Inaresto sina SSgt. Rusell Ortega, 39, at Cpl. Joel Taboga, 37, kapwa nakatalaga sa Sub Station 6, at sibilyang si Robin Caidic, 34 ng Brgy. Ugong, Valenzuela City.
Positibo silang itinuro ng biktimang si Gerald Andrade, 28, na kabilang sa mga kumuha ng kanyang pera at motorsiklo.
Naganap ang insidente alas-4:40 ng hapon nitong Lunes sa harap ng barangay hall ng Balon Bato sa nasabing lungsod, ayon sa pulisya.
Napag-alaman na nasa barangay hall ang mga tauhan ng QCPD-CIDU para irebisa ang CCTV footage sa nangyaring pamamaril sa isang lalaki at pagdukot sa negosyante ina nito sa harap ng LR Pascual Elementary School sa L. Pascual st., Brgy. Baesa, madaling araw nitong Lunes.
Habang pinanonod ng mga pulis ang CCTV ay napansin nila ang komosyon sa tapat ng barangay hall.
Agad na tinungo ng grupo ang komosyon kung saan nadatnan nilang hawak nina Ortega, Taboga at Caidic si Andrade.
Hiningan ng mga taga-CIDU ng dokumento ng operasyon at koordinasyon sina Ortega at Taboga subalit nabigo ang dalawa.
Dito na nagreklamo si Andrade at sinabing hinarang siya ng mga suspek at kinuha ang kanyang P16,000 cash at motorsiklo sa isang gasolinahan.
Dinakip sina Ortega, Taboga at Caidic. Nabawi ang motorsiklo ni Andrade habang isang replika na baril ang nakuha kay Caidic.
Tinutugis na ang iba pang suspek na kinilalang sina Cpls. Judy Rizare, Andy Moja, Mark Anthony Vinagrera at Alvin Cruz.