AABOT sa 187 kawani ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), karamihan ay mga dayuhan, ang dinakip sa raid sa tanggapan ng mga ito kamakailan sa Angeles City, Pampanga.
Armado ng search warrant, pinasok ng mga otoridad ang POGO hub na Lucky South 99 sa Grand Palazzo Royale, Friendship Highway, Angeles City, Pampanga.
Isinagawa ang raid bunsod ng mga ulat na ginagamit umano ito sa human trafficking.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, kabilang sa mga nasakote ang 29 Pinoy, 126 Chinese, 23 Vietnamese, 4 Malaysian, 4 Burmese at isang Korean.
Ani Casio, bukod sa nahuling mga empleyado ay na-rescue rin sa lugar ang isang Chinese national na umano’y biktima ng kidnaping.
Bukod dito, dagdag ng opisyal, ay nadiskubre nila ang isang silid na pinaniniwalang torture chamber para sa mga nagkakasalang trabahador.
Nagsagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga otoridad sa posibleng mga nasa likod ng operasyon ng POGO.
Kasalukuyang sumasalang sa immigration biometrics ang mga nadakip.