SINABI ni Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na tatlo pang kaso ang ihahain ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga sangkot sa asasinasyon ni Negros Oriental Roel Degamo.
Idinagdag ni Abalos na 17 kaso ang nauna nang inihain ng PNP, kabilang ang walong kaso ng murder, anim na kaso ng frustrated murder, tig-isang kaso paglabag sa Republic Act (RA) 10591 at RA 95196.
Kasabay nito, nanawagan si Abalos sa iba pang suspek sa pagpatay kay Degamo na sumuko na.
“Sa mga hindi pa nahuhuli, sumuko na kayo. May nag-offer ng reward para sa inyo. Nag-extrajudicial confession na ang mga kasama ninyo. Yung nag-utos sa inyo, iba utak niyan. Baka bandang huli ipapatay pa kayo. Pag-isipan ninyo ang sarili ninyo, pag-isapan ninyo ang pamilya ninyo, mga ibang klase ito, walang kunsiyensiya kung pumatay. Nakita ninyo ang ginawa sa walang kalaban-laban na tao, hindi malayo na gawin sa inyo at pamilya ninyo, pinakamabuti sumuko na kayo sa amin. Inuulit ko sumuko na kayo,” sabi ni Abalos.
Tumanggi namang kumpirmahin ni Abalos ang sinasabing utak sa pagpatay kay Degamo.
Itinanggi rin ni Abalos ang paratang ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na bahagi ito ng political vendetta.
“Anong political vendetta, magkalaban ba kami sa politika? Hindi ko naman siya kalaban, ang layo naman, Mandaluyong ako, anong meron? basta ako ito lang, kung salbahe ka, kalaban kita. Yan lang ang prinsipyo ko sa buhay ko,” dagdag pa ng kalihim.
“Kung yang pina-file mong document, spurious alangan namang ipikit ko mata ko. Kung spurious yan, managot, kung connected ka sa criminal activity, managot ka at kung pumapatay ka na parang pinapatay mo ang hayop, walang kalaban-laban, managot ka,” dagdag ni Abalos.