NAWALAN ng tahanan ang 23 pamilya sa sunog sa Sta. Mesa, Maynila nitong Huwebes ng hapon, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection.
Wala namang nasugatan sa insidente na nagsimula alas-5:30 sa isang two-storey building.
“Mix type [ang gusali], may semento, mostly mga kahoy kaya mabilis [na kumalat ang apoy]. Pagdating dito ng tropa malaki na raw ‘yung sunog kaya medyo nadamay ‘yung mga kasunod na bahay,” ani Senior Supt. Christine Doctor Cula, BFP Manila Fire Marshal.
Ayon pa kay Cula, nahirapang apulahin ang apoy dahil malakas ang hangin at makitid ang mga daanan sa lugar idagdag pa na karamihan sa mga bahay na natupok ay luma na at gawa sa light materials.
Umabot sa second alarm ang sunog. no
Tatlong bahay ang natupok at tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian.
“Isa ang totally gutted tapos dalawang partially gutted. Yung from original na natupok talaga, dalawang bahay. Sabi nga paupahan daw ito. So titingnan pa rin ng imbestigador natin,” ani Cula.
Sa bilis ng pagkalat ng apoy, karamihan sa mga residente ay walang naisalbang gamit.
Kabilang sa nasunugan ang pamilya Caguioa na inunang pakawalan sa mga kulungan ang kanilang 11 alagang aso.
Hindi naman nakaligtas ang kanilang 12 pusa.
“Binuksan namin mga kulungan [ng mga aso] para ma-save nila sarili nila. Yung ibon, di napakawalan at mga pusa. Yung aso lahat safe. Mga pusa 14 lahat may breed, dalawa lang ang nakatakbo,” ani Lourdes Caguiao.
Idineklarang fire out ang sunog alas-9 ng gabi.
Inaalam pa ng BFP ang pinagmulan ng apoy.