PLANO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbukas ng may 100 bago at lumang ruta para sa mga public utility vehicles (PUVs) kaalinsabay sa nahaharap na pagbabalik-eskwela sa Agosto 22.
Ayon kay LTFRB chair Cheloy Garafil, ang planong pagbubukas ng mga ruta ay hihikayat sa maraming mga PUV drivers at operators na magbalik-operasyon na siya namang titiyak na magkakaroon ng sapat na sasakyan sa muling pagbubukas ng klase.
“Hopefully by reopening old routes and extending it further, hopefully it can cover more distance at makabalik sila sa pagpapasada. For the PUVs, we expect na 80 percent mababalik na sa kalsada,” sinabi ni Garafil.
Sinabi ni Garafil na ang mga lumang ruta na isinara dahil sa pandemya ay muling bubuksan habang ang mga bagong ruta ay dadaan sa University Belt at iba pang lugar kung saan hirap ang mga estudyante na makahanap ng masasakyan.
Ang hakbang, ayon pa kay Garafil ay pagtugon sa direktiba nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio na tiyaking magkakaroon ng sapat na PUVs para sa in-person classes.