SANGKATERBANG yellowfin tuna ang nahuli ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Pagudpud, Ilocos Norte kamakailan.
Nadagdagan ang tuwa ng mga mangingisda nang isang buntanding ang nasama na nalambat.
Sa video na ibinahagi ng isang Jan jan Calipjo ay makikita ang mga mangingisda na nagtulong-tulong para mailatag ang lambat para makulong ang napakaraming isda.
Habang hinahatak ang lambat ay tila hindi makapaniwala ang mga ito sa dami ng kanilang nahuli.
“Grabe talaga!,” sambit ng isa.
Nang maingat na nila ang lambat, tumambad sa mga mangingisda ang napakaraming biyaya ng dagat.
Sa dami ng kanilang nahuli, halos tumagilid na ang dalawang bangka na sinasakyan ng mga ito.
Ayon sa mga residente, umabot sa mahigit isang tonelada ang nahuli nilang isda. Ngayon lang daw ulit ito nangyari, dagdag nila.
Matatandaan na nitong Abril, isang grupo rin ng mga mangingisda sa Ilocos Norte ang nakahuli ng tinatayang 200 kilo ng yellowfin tuna sa bahagi ng Pasuquin.