1 todas sa away-trapik sa Ayala tunnel

BINARIL at napatay ang isang driver sa Ayala Tunnel sa Edsa, Makati nitong Martes ng hapon.

Ayon sa pulisya, road rage ang tinitingnang motibo sa pagpatay dahil bago ang pamamaril ay nagkagitgitan ang biktima na sakay ng Toyota Innova at ang suspek na sakay ng Mercedes Benz na may plate number na BCS77 alas-2:30 ng hapon.

Nawalan ng kontrol ang Innova at nasagi ang dalawang motorsiklo.

Tumakas ang suspek sa direksyon ng Pasay City makaraan ang pamamaril. Tinutugis na siya ng pulisya.

Napag-alaman na mayroong pasaherong babae at isang bata ang biktima. Patungo sana ang tatlo sa Ayala, Alabang sa Muntinlupa.

Hindi sinabi sa ulat kung nadamay ang dalawang pasahero sa pamamaril.

Dahil sa pangyayari ay pansamantalang isinara ang south-bound lane ng Edsa na nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko.

Binuksan naman ang kalsada alas-4 ng hapon.