Si Sinag at ang Gansang Guro

KASABAY ng unang tilaok sa bukid ang siya namang pagbukas ng mga bintana sa kamalig.

Ito ang unang araw ng Mayo kung saan magbabalik eskwela na ang mga supling ng mga alagang hayop sa hacienda matapos ang higit sa dalawang taong pagkakatigil dahil sa pandemya.

Agad na bumangon si Sinag, ang kuting na naging anak-anakan ni Kikay Kalabaw.

Masaya itong tumayo mula sa kanyang sulok para ihanda ang unipormeng kanyang isusuot sa unang araw ng klase.

Hindi taal na taga-hacienda si Sinag. Napadpad lamang ito noong kasagsagan ng dambuhalang bagyo ilang buwan pa lamang ang nakalilipas kung saan maraming mga hayop mula sa kabilang ibayo ang nagsilikas sa hacienda.

Sa loob ng panahong kinupkop si Sinag, pinalaki at inalagaan siya ni Kikay at itinuring na parang anak sa kabila ng kanilang malayong pagkakaiba ng mukha at itsura. Dahil pinalaki nang maayos at mabuting kuting si Sinag, buong loob na tinanggap siya ng mga alagang hayop sa hacienda.

Sabik siyang pumasok sa eskwela dahil sa mga naging kwento ng kanyang nanay-nanayan tungkol sa mga masasayang karanasan ng mga bata sa paaralan.

Punong-puno ang silid-aralan sa unang araw ng klase. Halos lahat ng mga anak ng mga alagang hayop ay naroroon. Mayroong malilikot at maiingay. Mayroong inaantok at natutulog. Mayroong umiiyak at ayaw magpaiwan. Mayroong kumakanta’t naglalaro. Mayroong mga nagmamaton-maton, at mayroong mga sadyang walang pakialam.

Hindi na nagulat pa si Sinag sa kanyang namasdan sa loob ng silid-aralan dahil inihanda na siya ng kanyang nanay-nanayan kung ano ang aasahan sa eskwela.

Sa katunayan, dahil bagong salta lamang siya, wala siyang gaanong kakilala sa mga batang hayop maliban sa kanyang mga naging kalaro, at sa ilang mga naikwento ni Kikay sa kanya tungkol sa magulang ng ibang kasamang hayop hacienda.

Naroon din sa klase ang nagdadalagang-pilit na anak ni Beloy Baka, ang kambal na anak ni Iking Matsing, ang limang bubwit ni Dadang Daga, ang apat na biik ni Moymoy Baboy, ang malikot na anak ni Sebyong Soro, ang maliksing anak ni Minyong Kuneho, ang matipunong binata ni Asyong Kabayo at iba pang mga alagang hayop sa bukid.

“Magandang umaga, mga anak. Ako si Ate Gingging—ang inyong magiging ate at guro sa loob ng buong taon,” ang pakilala ng magiliw na gansa sa kanyang mga batang estudyante. “Simulan natin ang ating araw sa pamamagitan ng pagpapakila: banggitin ang inyong pangalan, lahi, trabaho ng inyong mga magulang, at ang inyong mga pangarap paglaki ninyo. Simulan natin dito sa unang hilera…”

“Ako po si Likha, isang musang. Ang mga magulang ko po ang siyang nagtatanim ng kape sa hacienda, at pangarap ko pong magkaroon ng sariling batawan ng kape balang araw,” wika ng batang musang.

“Ako naman po si Himig, anak ng maya. Ulila na pong lubos at tanging ang aking inang-panguman ang nag-alaga sa akin. Pangarap kong maging sikat na manganganta sa perya,” ani ng munting ibon.

At dahil ayaw magpatalo, biglang sumingit ang kambal na tsonggo.

“Ako si Kulog,” sambit ng isa. “Ako naman si Kidlat,” dugtong ng pangalawa.

“Ilustre ang aming tatay—ang siyang pinakamatalino’t pinakasikat sa buong hacienda. Balang araw kami’y magiging tulad din niya. Matsing man ang aming lahi, waring tao naman ang aming pag-uugali,” sabay na pahayag ng kambal na unggoy.

Hindi na nakuha pang magpakilala ng ibang mga batang hayop dahil ang mga unggoy ang siyang nangibabaw sa pagpapakilala ng kanilang sarili. Hindi nagustuhan ng gansang guro ang inasal ng kambal kung kaya’t nagpasya itong sa ibang araw na lamang ipagpatuloy ang pagpapakilala ng mga bata.

“Mga anak, ayaw nating masayang ang araw kaya naman kailangan nating ipagpapaliban muna ang inyong pagpapakilala at simulan na muna natin ang ating aralin sa araw na ito,” malambing na sabi ni Ate Gingging.

“Yaman din lamang na inyong nabanggit kung paano naging gabay ang inyong mga magulang sa mga pangarap ninyo, ang ating paksa ay ang mga panuntunan sa buhay at mga pagpapahalaga na natutunan ninyo sa inyong tatay o kay nanay. Magkakaroon ng halalan sa isang nayon sa isang linggo. Ang mga tao ay pipili ng kanilang bagong mamumuno. Nais kong sukatin kung anuman ang mga panuntunang ibinahagi sa inyo ng inyong mga magulang. Magbibigay ako ng ilang halimbawa, at ipaliwanag ang inyong sagot,” paglalahad ng gansang guro sa kanyang mga estudyante.

“Ano po ang ibig sabihin ng ‘panuntunan’?” inosenteng tanong ni Sinag.

“Mga anak, tayong lahat ay may mga kinalakihang ideya, o mga tuntunin ng pag-uugali, o nakagisnang paniniwala na siyang gumagabay sa atin sa ating mga desisyon o mga gawain na nakabatay sa kung ano ang tama at mali. ‘Yan ang tinatawag na ‘panuntunan’—ito ang mga pamantayan na nauugnay sa pagkilos. Kumbaga sa tao, ito ang siyang nagbubukod sa pagitan ng mabuti at masama,” paliwanag ni Ate Gingging.

Hindi pa rin nakuntento sa sagot, muling nagtanong si Sinag: “Paumanhin po, Ate Gingging… pero ano po ang malapit na halimbawa?”

“Simple lang naman. Huwag tayong magsisinungaling. Huwag manloloko ng kapwa. Huwag maninira o magnanakaw ng gamit ng iba, o huwag mananakit ng kapwa hayop. Maging mapagmahal sa kapwa hayop. Huwag tatamad-tamad. Maging mapagkumbaba—huwag mag-aastang prinsipe o prinsesa. Sa madaling salita, ito ‘yung pinipili nating matuwid, marangal, wasto at tama sa pang-araw-araw,” dagdag na paliwanag ng guro habang ang lahat ng mga batang hayop ay taimtim na nakikinig sa kanilang dalawa.

“O, handa na ba kayo? Simulan natin ang unang halimbawa sa simpleng pagtatago ng lihim… Sinabi sa’yo ng iyong matalik na kaibigan na kinuha niya lahat ng pinag-ipunang pera ng kanyang nanay. Inamin niya sa iyo na balak niyang bumili ng mamahaling mga alahas at hahatian ka niya ng kanyang pera basta ‘wag mo lang ipagsasabi ito kahit kanino. Pagkalipas ng ilang araw, nabalitaan mong ikinulong ang kapatid ng iyong kaibigan dahil pinaghinalaan ito na siyang kumuha ng pera. Bilang isang pinagkatiwalaan ng lihim, ano ang iyong gagawin?” tanong ng gansang guro.

“Isumbong ko po siya sa mga daneyo at sa kanyang mga magulang, at sasabihin sa kanila kung ano ang ginawa ng kanilang anak,” sagot ng musang.

“Kakausapin ko po ang aking kaibigan na umamin, at kung hindi niya magagawang umamin ay ako na mismo ang magsasabi sa mga daneyo para siya ang makulong,” pangangatwiran naman ng maya.

“Anong klaseng mga kaibigan kayo?” pasumbat na sigaw ng kambal na unggoy. “Inamin niya na siya ang kumuha ng pera dahil alam niyang ang kanyang matalik na kaibigan lamang ang mapagkakatiwalaan. Kung ika’y pinakiusapang magtago ng lihim, bakit mo ipagkakanulo ang tiwala ng iyong kaibigan?”

Napuno ng mga bulong-bulungan ang silid. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang opinyon. Ang iba’y pabor sa sagot ng musang at maya, samantalang ang iba nama’y sangayon sa sinabi ng tsonggong kambal.

Hindi napigilan ni Sinag na magsalita at ilabas ang kanyang saloobin: “Sadyang mahirap ang naging kalagayan ng kaibigang may tangan ng lihim. Ngunit kailangan niyang itimbang kung ano ang nararapat. Sa isang sitwasyong marami na ang nadamay at pinsalang nangyari dahil sa maling kagagawan ng iyong kaibigan, marapat lamang na iyong bigyang pagpapahalaga kung ano tama at ituwid kung anuman ang mali. Hindi lamang ito para sa kapakanan ng iyong kaibigang may sala, kundi nakasalalay din ang kapakanan ng kanyang ina, kapatid at iba pang nadamay sa ginawa niyang kamalian.”

Napangiti si Ate Gingging sa naging paliwanag ni Sinag. Alam niyang busilak ang puso nito at pinalaki ito ng kanyang nanay-nanayan na may tamang kapit sa kabutihang asal.

Ani ng guro: “Hindi makatarungan na ilagay ang iyong kaibigan sa isang sitwasyon ‘di naman niya ginustong pasukin. Ang pagkakaibigan ay may dalawang mukha: maaari kang manatiling tapat at ibaon na lamang ang kanyang lihim—sa ganitong paraan ‘di mo siya ipinagkanulo. O, maging isang mabuting kaibigan at kausapin siyang aminin ang kanyang pagkakamali, at ibalik ang kanyang kinuha. Sabihin mong hindi mo kayang ilihim ang isang pagkakamali, manapa’y tutulungan mo siyang kausapin ang kanyang magulang at kapatid. Maaaring magkalamat ang iyong pagkakaibigan, ngunit sa ganitong paraan ay tinulungan mo siyang ipakita kung ano ang matuwid at nararapat.”

Naliwanagan ang mga bata sa naging paliwanag ni Ate Gingging, maliban sa kambal na naninindigan na ang isang tunay at tapat na kaibigan ay hindi ka iiwanan at susuportahan ka anuman ang tama o mali.

“Mga anak, mahirap ang maharap sa isang maselang kalagayan. Marami sa atin ang umiiwas nito, ngunit palagi nating tandaan na hinding-hindi ka mapapariwara kung ano ang tama. Tulad sa mundo ng mga tao, ang pagpili ng mamumuno ay maihahalintulad sa pagpili ng isang kaibigan—dapat ay mayroong panuntunan. Sa simpleng paliwanag, ituring natin na tayo ay pumipili ng isda o prutas sa palengke—dapat matamis hindi maasim, sariwa hindi bulok, busilak ang kalooban hindi magnanakaw, totoo hindi sinungaling—tapat hindi ka lolokohin,” patapos na pahayag ng gurong gansa.

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito. Umaasa ang may-akda na ang artikulong ito ay makakapaghikayat sa mga boboto sa Lunes (Mayo 9), na timbangin nang mabuti ang desisyon sa pagpili ng mamumuno sa ating bansa sa susunod na anim na taon.