SA isang marangyang bahay sa bayan ng Apalit ay nakatira sina Pipo at Mimi — dalawang mamahaling pusa mula Arabia na lumaking sagana sa mga yayamaning gamit, at ang kanilang pahingahan ay sa isang malambot na kutson na gawang seda sa tabi ng kwarto ng kanilang amo.
Ang kanilang pagkain ay inihahanda pa sa porselanang plato, at ang kanilang panliig ay mula pa sa Italya.
“Ano ba talaga ang silbi ng mga pusang kalye?” pakutyang tanong ni Pipo habang nakaupo sa bintana at pinagmamasdan ang isang payat na kuting na nagkukutkot sa basurahan sa gilid ng kalsada.
“Iyan ang tinatawag ng ating amo na mababang uri ng pusa. Mabaho. Madumi at walang disiplina,” sagot naman ni Mimi.
Sa kanilang mata, sila na ang hari at reyna sa mundo ng mga pusa.
Ang kuting na pinag-uusapan nila ay si Muning, ang kilalang pasaway sa lugar. Madungis ito, mabaho ang balahibo, pakalat-kalat sa kalsada at walang permanenteng tirahan maliban sa tabi ng basurahan.
Ganunpaman, palaging puno ng sigla si Muning at madalas itong nakikitang naglalaro sa kalye, at kapag walang makitang dagang-kosta, hinahabol niya ang mga basurang tinatangay ng hangin.
“Aba, mukhang isusumbong na naman ako ng dalawang pusa sa kanilang amo…” bulong ni Muning sa sarili nang mapansin niyang nakatingin sa kanya sina Pipo at Mimi.
Isang gabi, biglang may naamoy na usok si Muning mula sa mansyon.
“May nasusunog!” sigaw ni Muning sa sarili habang nakikita ang usok na lumalabas mula sa bintana ng bahay. Kaagad siyang umakyat ng pader at naghanap ng siwang sa likod para siya makapasok sa loob ng bahay.
Nagsimula ang apoy sa kusina, at di nagtagal, ang buong bahay ay unti- unting napuno ng usok. Nagising si Pipo at Mimi sa amoy ng nasusunog na kahoy, at dali-daling tumakbo pababa sa sala.
“Ubo, ubo, ubo! Ano’ng gagawin natin, Pipo? Hindi tayo marunong lumabas ng bahay!” iyak ni Mimi.
Habang ang dalawa ay tuliro, isang maliit na anino ang biglang lumundag mula sa likod ng bintana na naiwanang bukas. Si Muning!
Walang pag-aalinlangan, nilapitan ni Muning ang dalawa.
“Nasaan ang amo ninyo? Alam n’ya ba ang nangyayari?” tanong nito, ngunit tila tulala pa rin ang dalawang yayamaning kuting.
Gamit ang kanyang liksi upang umiwas sa mga gamit na bumabagsak dahil sa apoy, umakyat si Muning ng hagdan at hinanap ang kwarto ng may-ari.
Buti na lamang at bahagyang nakabukas ang kwarto, at inakyat nito ang kama at dinilaan ang kamay ng lalaki upang magising ito.
Nang dumilat ang lalaki, humiyaw si Muning at pumwesto sa direksyon ng pintuan, tila sinasabing, “Sundan mo ako!”
Sinundan siya ng lalaki habang ginagabayan niya ito palabas ng bahay.
Nang makalabas sila, doon lamang napansin ng amo sina Pipo at Mimi na nagtatago sa ilalim ng mesa sa harapan ng bahay, nanginginig at tulala sa takot.
Nang humupa ang sunog, tahimik at walang imik sina Pipo at Mimi.
Napahiya sila nang malaman nila na si Muning, ang kuting na nilalait nila, ang siyang nagligtas sa kanilang amo.
Kinabukasan, ang pamilya ng may-ari ng mansyon ay nilapitan si Muning.
“Kung hindi dahil sa pusang kalyeng ito, baka hindi ako nakaligtas,” sabi ng amo habang hinahaplos ang maruming balahibo ng kuting.
Tahimik lang si Muning, ngunit napansin niya ang dalawang yayamaning pusa na di makatingin ng diretso sa kanya.
Alam ni Muning na kahit papaano, ang insidente ay nagdala ng malaking aral kina Pipo at Mimi.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Tulad ni Muning, hindi sa ganda o kintab ng balahibo nasusukat ang halaga ng isang pusa, kundi sa kakayahan nitong umangkop at tumulong sa oras ng pangangailangan.
Sa buhay, huwag nating husgahan ang isang tao dahil lamang sa itsura nito. Sa panahon ng kagipitan, ang praktikal na kaalaman, tapang, at malasakit sa iba ang tunay na nagbibigay ng halaga sa isang nilalang, maging tao man o hayop.